tulong

Salamat sa pagsulat mo sa akin, lagi akong masaya na makatanggap ng balita galing sa iyo at sana makarating sa iyo itong aking liham na nasa mabuti kang kalagayan at pag iisip.
Isang karangalan ang maging isa sa mga taong pinapahalagahan mo na magbigay ng payo sa mga problema at pagsubok na dumarating sa buhay mo. Ipinakita mo sa akin na iginagalang mo ang kakayahan kong magbigay ng payo tungkol sa mga bagay na ito. Lagi akong nakahanda na tumulong at magbigay ng payo sa iyo kahit kailan mo kailangan, at sigurado namang gumawa ka na ng mga paraan na maresolbahan ang mga problema bago mo ako naisip na hingan ng tulong.
Ngayong nasabi ko na yan, kailangang malaman ko rin ang mga pangyayari kung bakit ka nakarating sa situwasyong kinaroroonan mo ngayon. Sabihin mo sa akin ang lahat ng naisip at ginawa mo, at lahat ng paraan na sinubukan mo para maresolbahan ito bago mo naisip na wala nang ibang makakatulong sa iyo kundi ako. At hindi lang sa gusto kong maging solusyon sa problema mo kundi gusto ko ring maging katuwang mo sa pag iisip at paghanap ng mga solusyon sa problema mo.

Itong ganitong pag iisip at pagpapahalaga ko ay dahil sa pag aalaga, pagpaplano ng aking kabuhayan dahil sa mga hirap na dinaranas para kumita ng pera sa araw araw na ginawa ng Diyos. Sa mahahabang oras na pagtatrabaho ko araw araw dahil kelangan ko ng pambayad sa Health Insurance, pambayad sa elektrisidad at tubig, pagkain ng pamilya ko sa araw araw, At kung may matira man, yaan ay ginagamit ko para sa sariling kapakanan upang mapanatili ko ang kalakasan ng aking katawan upang magampanan ko ang mga bagay na ako’y responsable. Maikli lang ang buhay natin kaya kinakailangang paghandaan ang bawat pagdating ng umaga sa buhay na ito.

Kaya lahat ng peligro at problema , ang oras at pera natin, ay madaling ilagay sa tamang lugar kung ang mga ito ay ating bibigyan ng kanikanyang kahalagahan sa buhay natin. Kaya mas madali para sa akin na makita ang desisyong kailangan kong gawin kung ang lahat ng mga ito, ay sasabihin mo sa akin.

Diyan mo ako matutulungan na matulungan ka. Sabihin mo lahat sa akin ang mga impormasyon tungkol sa problema mo, at lahat ng mga paraan na ginawa mo na at bakit hindi naging sapat ang mga ito. At ng dahil sa mga malalaman ko galing sa iyo, makakarating tayo sa isang desisyon tungkol sa problema mo. Maaaring; 1) ang desisyon na magpadala ako ng financial help, 2) makapagrekomenda ako ng isang aksyon na magagawa mo ngunit hindi mo pa naisip na mabuti, 3) magdesisyon ako na hindi ka tulungan sa hinihiling mo (hindi dahil ayoko, o hindi ko kaya o iniisip kong hindi ko problema, …lahat ng ito ay resulta ng mga impormasyon na manggagaling sa iyo. Ang desisyon ko, maging ano pa man ay alam kong irerespeto mo.
Para lalong mapadali ang desisyong kinakailangan natin, ipunin at i organize mo ang lahat ng nasa isip mo, lahat ng impormasyon ay i-post mo dito.

Sasabihin ko sa iyo, pagkatapos kong basahin lahat ng impormasyong manggagaling sa iyo, kung mayroon pang ibang katanungang kailangan ng kasagutan at kalinawan kokontakin kita.

Maraming salamat!
-Stephen